Pagsalubong sa aking kaarawan

December 31, 2009

ANG MAGDARAANG TAONG 2009

Tiyak na mamimiss ko ang taong 2009 na syang iiwan natin sa loob na lamang ng ilang oras. Nandito ako ngayon sa kama nakahiga pa, nagmumuni muni at saglit na binalikan ang mga kaganapan. Iba’y tila napapa-iling ako at iba nama’y napapangiti sa akin. Nariyang nalungkot din ako sa mga usaping pulitika sa ating bansa dangan kasi palala pa ito ng palala. Hindi ko din maiwaksi sa aking isipan ang mga kalagayan ng mga nasalanta nitong 2009, ang mga nasakuna ng sunog, panggugulat ng bulkang mayon at mga bagyong talaga nga namang tumimo sa atin at nagbigay ng aral upang pahalagahan ang kalikasan at ang bawat isa sa atin. Paalam na taong 2009, nais ko lang ding magpasalamat sa mga araw, minuto at segundong nagdaan na binusog ng nagdaang taon ng mga malalalim na karanasan at pagkatuto. Sa huling ekis ng araw sa kalendaryo, sana’y naging makulay para sa mga kapwa ko Pilipino ang nagdaang taon. Maging mahinahon tayong lahat at maging matatag at pag-ibayuhin ang esensya ng bayanihan sa mga darating na pasubok, dahil dito lamang nagiging magaan ang mga karanasang di natin kayang pigilan.

SA AKING KAARAWAN-ISANG ORAS LANG

Pakiramdam ko pagkatanda tanda ko na. Ang dami ko nang iniisip at mga inaasikaso. Ngunit kung susumahin tila ang magandang itawag sa akin ay tumatanda ng paurong. Sa dinami dami ng mga nais gawin at pahalagahan lagi kong nakikita ang kakapusan ng aking oras at panahon upang mabalanse ang lahat ng bagay sa akin buhay, mapa trabahot obligasyon man o mapa-personal. Buti na lang malinaw sa akin na hindi ako si Superman. Malinaw din sa akin na minsan talagang tutulo ang aking luha, dahil di mo mararanasan ang tamis ng kaligayahan na akin din namang tatamasahin kung di ko natikan ang kasawian. Basta dapat tuloy tuloy lang. Ilang oras nalang at papatak na ang alas dose ng pagsalubong sa madaling araw. Ang araw din ng aking kapanganakan. Naku po tatlumput tatlong taon na ako. Ibig sabihin tatlumput taon na akong naglalakbay at patuloy na umaasa at ninanais makapagbigay kulay sa mga taong nakakasalamuha ko (sana naman naramdaman nila iyon). Naalala ko nga kamakailan lang ng pangaralan ako ng aking ina sa pamamagitan ng isang txt message, pinaalala niya sa akin ang halaga ng pagiging isang sundalo; Na habang nasasaktan sa laban lalong tumatapang. Nanay ko talaga, hinalintulad pa ako sa isang sundalo.

Sa mga bumabati sa akin at pinapanalangin na sana ay matupad ang akin tinatawag na “birthday wish”, Nais kong ibahagi ang aking walong munting korning mga kahilingan (este pangarap).

  1. isang bagong notebook na pwede kong maisulat ang mga bagong tula para sa susunod na taon,at dapat 400 na pahina ang notebook na ito (tamang tama kasi at may bago akong ballpen na galing sa 8layer na syang maganda nyang magiging kaparehas sa paglinang ng mga letra at damdamin)
  2. T-shirt na itim na may tatak KahelOS -naks!
  3. Makakita ng tunay na penguin at magpa-picture sa tabi nito (makaisa man lang)
  4. magkaroon ng 64-bit na laptop (para naman ito sa testing)
  5. Bagong digicam (namamaalam na yung sony na cyber-shot na madalas kong ginagamit sa mga “solong” pictures tuwing may okasyon)
  6. isang maliit na bertday cake na may malaking kandilang pampatay
  7. bagong car (4×4)
  8. isang maliit na bahay na may malaking sala at swimming pool (pwede ba yung ganito)

Ano ba ito? para namang ang yaman yaman ng mga taong nakapaligid sa akin kung umasta ako sa aking mga kahilingan at para namang huling kahilingan ko na sa mundong ibabaw. Natatawa ako tuloy habang nag-iisip at nagsusulat.

Pero sa walang halong birong usapan, ang tunay na nais ko lang sa aking kaarawan ay magkaroon ng kahit isang oras na panalangin. (dun ko nalang ibubulong kay Lord yung aking mga wishes, siempre personal at secret yon)

SA BAONG TAONG DARATING

Para sa mga mambabasa, nais ko lang batiin kayo sa parteng ito nang Mapayapa at Masaganang Bagong Taon sa lahat. Mag-iingat kayo sa mga paputok at baka maputukan kayo. Naniniwala ako na ang darating na taong ito ay para sa ating mga Pilipino. Ngunit ang mga Pili[inong ito ay syang magpapa-igting ang diwa ng pagbabago tungo sa pagkakaisa kahit pa ang katotohanan ay nariyang babasagin at lilinisin natin ang maduming pulitika sa bansang ito. Na ang mga Pilipinong ito ay di kailangang nasa pulitiko at maraming panahon at pera. Lagi tayong magtutulong tulong upang bantayan ang ating kasarinlan di upang makapagmalaki ngunit ipagmalaki nating san mang dako ng mundo ay kaya nating bumangon at harapin ang hamon na dulot ng ating pagkawalang bahala at pagmakasarili. Walong dumadagundong na bagsak at palakpak para sa ating lahat at mabuhay tayong mga Pilipino para sa kapwa Pilipino at sa buon mundo!

HAPPY NEW YEAR TO ALL!

Bayani

November 23, 2009

Binabagabag ako ng aking utak at laptop na sumulat ng isang tula patungkol sa paano ba maging isang bayaning matuturingan. Marahil ang paksan ito ay napapanahon. Dangan kasi pati yung van na lulan namin papuntang manaoag ay mababanaagan ng malalaking sticker kung saan nakasulat ang salitang”bayani”.

Tamang tama at kakapanood lang din kagabi ng “ELEKSYON 2010: Presidential Forum Isang Tanong”
hindi ko nga lang naumpisahan,buti nalang at may youtube.

Sa totoo lang, hindi ako nasiyahan sa mga sagot ng mga nagnanais maluklok bilang Pangulo ng Pilipinas lalo na doon sa isang tanong ukol sa paano maging bayani. Tila lito sila sa mga pagpapahayag ng mga konseptong obligasyon, tungkulin at paghahalintulad sa  araw araw na gawain at ang ideyolohiya at pagpapatotoo ng kabayanihan.

Idagdag pa natin dito itong magandang balita patungkol kay  Efren Peñaflorida.
“Pushcart educator named CNN Hero of the Year“ http://edition.cnn.com/2009/LIVING/11/16/cnnheroes.tribute.show/index.html

Kaya eto,sinubukan kong sumulat ng isa hango sa aking pananaw.

pamagat ng Tula:Bayani

Nagsisilbing walang kapalit
Maalab at matikas sa gawaing matuwid
Nangunguna sa panahong may nagigipit
Bayani, ika’y biyaya ng langit

Buhay ay hindi na alintana
Di na rin usapin ang sarili’t kakilala
Namumusyaw na pag-asa’y sinasalba
Sa tawag ng pangangailangan, makikibaka

Sa larangan ng digmaan
Maging edukasyon man o simbahan
Lipunan at bayan
Lahat yan ay una sa listahan

Walang parangal na inaantay
Basura ang pagtanggap ng lagay
Ang nais lang ay simpleng pag- aalay
Hanggang sa malagutan ng hiningat humimlay

Di nagnanais ng setro o trono
Di nagdadadakdak sa taas ng pulpito
Di kinakailangan ng posisyon sa gobyerno
Sa pagiging makabuluhan ikaw ay premyado.

Bayani.

Linya

November 19, 2009

Bakit naisulat ang tula: Naisip ko lang, na minsan talagang magkakaroon ng pagkakataon na hinahamon ang isang magandang samahan. Naibabahagi din sa atin ng mga nakakatanda at mga iskolar ang halaga ng tinatawag ng vision na nagpapaalala sa atin sa kung saan ba tayo  patutungo.  Kung “Grounded” ka ikanga sa iyong vision,mayroon kang babalik-balikan  at pagninilayan sa panahong nag-aalinlangan o nakakaramdam na nasasaktan.

Kaya naisipan kong isulat ang munting tula na ito upang iukit sa ating mga isip at damdamin ang tinatawag na “linya-linya” tayo, lalo na sa usaping trabaho o pagtupad sa ating mga tungkuling sinumpaan.

May kasabihan nga tayo: “Ang hindi nakakakita ng linya ay nasasagasaan at nalalaglag”….meron bang ganun?ngayon meron na.

Pamagat ng Tula: Linya

Pag oras ng trabaho, trabaho
Pag oras ng sweldo,sweldo
Hindi pwedeng trabaho, la sweldo
Hindi pwedeng sweldo, la trabaho

Linyahan ang tawag dito
Eto ang linya ko at eto ang sa iyo
Respetuhan lang tayo. tao tao
Tayo’y mga obrero,bawal ang magulo

Walang madaming espekulasyon.
Walang dahilanan sa leksyon
Pag natisod,matuto ka at umaksyon
Wag magpatumpik-tumpik sa direksyon

Pag nagkamali. simpleng pasensya
Wag aarya-arya,umiwas sa maling larga
Dumistansya na muna sa sakuna
Walang drama…Luminya

Nasasagasaan…
Nalalaglag…
Nagbubulag-bulagan…
Ang hindi nakakakita ng Linya.

Naisip ko lang noong bata pa ako. Madalas ay ako ang pinapakolekta ng Mama ko sa kanyang mga pautang sa tindahan. May kodigo pa akong palara ng sigarilyo at gumagamit ng bolpen na madalas ay sinusunog ko pa ang tuktok or parteng panulat nito upang lumabas ang tinta. Palagay ko ay maayos ko namang nagagawa kahit papaano yung inaatas sa akin ng aking mahal na ina.

Ganito siste ko noon, umagang umaga palang tatakbo na ako sa kalye at magbabahay bahay. Nakatsinelas at may dalang plastic ng yelo na nakaipit o nakasukbit sa aking short bilang lagayan baryang nakolekta. Uuwi ako non na may maayos na koleksyon at balita o report kung bakit ang ilang kapitbahay namin ay hindi nakapagbayad. Naaalala ko na ginagawa ko itong aktibidad na ito tuwing sabado at linggo.

May mga pagkakataon na nababawasan ang aking trabaho na ito sa tuwing may mga kapitbahay kami na kusang pumupunta sa tindahan namin at nagbabayad ng kanilang mga pinangakong utang dala ang kanilang kopyang palara at papapirmahan sa mama ko o minsan sa akin na nangangahulugang bayad na sila.

Naalala ko lang itong kwento na ito. Kasi di pa uso ang computer noon. Marahil masasabi ko na mataas pa ang pagkukusa ng mga tao noon at hindi sila “complacent” kung baga may sariling palo. May mga mangilan-ngilan din naman na talagang pasaway at talagang kailangan pang puntahan sa kanilang mga bahay o i-follow-up para lang tumupad sa kanilang mga pangako…. na minsan kung hindi makakatupad..nakakatawang NAGTATAGO TALAGA sila sa kanilang pagkakautang o napakaraming samut saring ALIBI na tila baga naghihiraman sila ng idadahilan linggo linggo.

Dangan kasi ngayon sa modernong panahon, marahil ay hindi nabago lalo pa sa mga usaping trabaho. Namana marahil ng ilang “professional” ang mga ganitong gawi. Magtago o Mag-Alibi. Pero meron din namang nabibilang na nagkukusa at alam ang kanilang mga obligasyon. May ilan naman na tahasang pilit na pinaninindigan kahit i-follow-up o hindi ang patuloy na pagiging pasaway at pag-suway.

Sa mundo kasi ng TRABAHO. Work ikanga sa ingles. Malaki ang pagkakaiba nito sa JOB o sa tagalog, namamasukan.

Sa akin kasing pagkakaunawa, may saysay ang salitang trabaho kapag ito ay tapos at may impact sa mga taong “naratnan” nitong trabahong ginawa mo. Pero ang pagpasok o Job ay pumapasok ka lang dahil may suweldo ka at kailangan mong pakainin ang mga anak mo o di kaya’y magbayad ng upa etcetera, kahit di mo tapos ang iniatang sa iyo, walang pag-aanalisa, de kahon, at kahit walang dating sa iyo ang mga ipinagagawa o proyektong kinasasangkutan mo… ayun kaya ka burnt out o talagang wala ka lang pakialam.

Ano bang mga obserbasyon o rekomendasyon ko sa pag-resolba nito?

Marahil ang “kapaki-pakinabang na Checklist” checklist na nagagamit hindi yung checklist for the sake na may listahan ngunit walang pagmonitor ng mga ito at pagbibigay ng mga resulta.

ang maging “analytical at critical thinker at tunay na problem solver” .

  • minsan kasi kahit may napakaganda at kumpletong checklist ka na, pero hilaw talaga sa diskarte ang siste o di naman alam kung pano gamitin ang checklist, e sablay pa rin. Mauuwi sa PANGAKONG NAPAKO o walang solusyon o di kaya ay nag “LO-LOOP” o walang katapusang proyekto. Na puwede ring mag-hanggan sa mawalan na ng gana at wala na ring relevance ang trabahong ipinagagawa sa iyo, DAHIL maaaring may gumawa na ng trabaho mo o hindi na kailangan pa ang dapat mo sanang ginawa/trabaho… ergo puwedeng mawalan ka na ng trabaho.Kaya dapat, maging ganado sa pag-gawa. Sabi nga sa mundo ng mga programmer “hanggang may momentum” laban at wag hahayaang mawala ito harangan man ng sibat. Kasi ito yung pinaka mahirap ibalik pag nawala. Ending..ikaw ang talo. Pero hindi lang sa programming ito, kahit sa anong trabaho, kailangan ng sigla at buhay. Yun bang passionate ka at kahit simpleng gawain lagyan mo ng creativity at innovation… tawag nga namin dito sa 8layer e LIBOG. Pag hindi malibog ang gawa mo e malamang supot.

    Ang sa akin, ang realisasyon ko patungkol sa usaping follow-up.

  • Korni ang company na may follow-up manager. Hanggang ngayon sakit nga ito ng mga nag-oopisina sa gobyerno o mala-gobyernong kumpanya sa Pinas e. Hindi lilipat ang papel mo pag hindi ikaw mismo ang naglakad. Sumasalamin kasi ito sa angulo na may problemang disiplina at kawalan ng pakialam o malasakit ang mga tao. Basta sila sumuweldo, tapos.
  • Wala pa naman akong nakikitang plantilyang ganito, pero kung may manager kang ganito lang ang ginagawa kundi mag-follow up (na bukod sa makain sa ORAS na dapat sana ay gumagawa na ng ibang kapaki-pakinabang na bagay para sa pagpapa-unlad) bumabagal na rin sya at maaring mahihinang klase ang mga taong gumagalaw lang at nag-dedeliver pag fino-follow up.
  • Ayoko nga ng ganitong trabaho, ang ganda sana ng tunog e… Mr Mara, i am hiring you as a Manager, The Follow-Up Manager…. ulck,kadiri, ang sagwa!!! tsaka parang nakakatawa… isang kumpanya o bansa tayo na para bagang de susi… uusad lang o tatapos pag may tumapik at magsasabing, “ASAN NA?”Basta ako ang masasabi ko lang at may kasabihan kaming mga MARA na, “Ang batang nangongolekta ng pautang, Paglaki, ayaw maging follow-up manager.” YUN!
  • Minsan ang sitwasyon alam mo kung ano ang problema… pero ang mas masaklap at mas matinding problema mas madalas e yong walang nag-iisip ng solusyon o kung may solusyon na sana, wala namang umaaksyon… problema ba yon?

    USAPANG ASTERISK:
    Kahapon kasi, matapos kong idownload ang HTML version ng 2nd Edition ng TFOT at gamit ang wget command.

    wget -mk -np http://astbook.asteriskdocs.org/en/2nd_Edition/

    naligaw ako sa website ng digium. tapos binasa ko yung timatawag na “culture” nila.

    eto quote ko lang: “Digium employees find an added joy in their work knowing that they are pioneering this revolution. The Digium offices are filled with innovative problem-solvers in every department, not just in engineering, because fresh thought has been key to Digium’s success from the very beginning”

    http://www.digium.com/en/company/careers/culture.php

    Ewan ko ba? wala naman akong experience mag work sa kanila. kung baga yung asterisk project lang nila ang madalas kong nalalaro at yung mga TDM card at yung digital card nila na nandito sa office. pero sobra kong nararamdaman yung kultura na ikinukwento nila. sa totoo kasi, ganun din kasi ang isa sa pinangarap kong kultura. kulturang hindi ko sasabihing solusyon na sumali ako sa mala digium na kumpanya…kung baga, dapat may ganung kultura sa ating bansa. bansang tumatawag nilang “developing nation”. ngunit kayang sabihin higit sa lahat e “PROBLEM SOLVER” kami..mga hinayupak kayo!

    OO. kulturang kung saan mataas yung tinatawag na pagiging “problem solver”.

    ANG PERSONAL NA OBSERBASYON AT KOMENTO:

    Madami dami kasing mga kumpanya na nadaanan ko at naranasan ko na ding magtayo ng kumpanya dati bago pa itong 8layertech-opensource architect na tinatawag ko. madalas-dalas, madaming nakakaalam ng usapin o isyung kumpanya.

    1. may mga talagang nag-aalisan dahil hindi daw gusto ang management o yung mga kasama.
    2. umaalis dahil hindi daw sila bayad o kulang ang bayad.
    3. umalis kasi masarap na magtrabaho daw sa ibang bansa.
    4. may mga tinutungtungan ang mga kalakasan o minsan kahinaan para wag ng maging parte ng solusyon.
    5.at madami pang dahilan o kadahilanan.

    sa madaling sabi,ganun kasimple ang pag-solve ng problema para sa kanila.

    madalas ang nakikita kong parte ng mga solusyon na ay may nagrereklamo,sumasagot at nagpapaliwanag…ito ang mga lagi unang-una sa listahan sa pangangatuwiran kung bat may prolema… at don lamang iikot yon. Paikot-ikot.

    may mga nakikita din akong ALAM NA ALAM “DAW” NILA ANG PROBLEMA.
    kaya ngang isulat sa sampung pahina ng yellow paper ang rationale o kung san nanggaling ang isyu o problema.

    ngunit tsatsamba ka talaga, sa iilan na aalamin at gagawa ng SOLUSYON.

    at sobrang wala sa sampung daliri ko ang naiintidihan ang pagganap o pag-gawa sa tinatawag na “AGARANG” SOLUSYON.

    Pahabol para sa mga madaming Pulikito: PARA SA INYO DIN ITO…kayo pa..kayo nga ang una sa listahan ng mga ganitong sitwasyon.
    ang nakakaalam ng problema, ngunit huli o wala sa pag-aksyon ng problema. PERO ALAM na ALAM NYO ang problema…(di kahit kailan mawawala sa inyo ito, kaya nga kayo tumakbo at nagpahalal e)

    magaling daw tayong mga Pilipino sa planuhan, mahabang usapan at planuhan ulit… pero pag aksyon at resulta na, nabubura na ang mga tinta sa planong naisulat.

    ako alam ko ang problema ko ngayon… alam ko rin ang solusyon… aaksyonan ko na lang… bahala ng magalit sila o sumama ang loob sa akin… ang mahalaga di ko lang alam ang problema, parte ako ng solusyon…

    may mga natutunan nga ako sa mga usaping matatanda: sa isang problema, napakadaming pwedeng solusyon. ngunit isa ang pinaka “THE BEST” na solusyon at diskarte…kung ano ito???….ay “ANG MAGING PARTE KA NG SOLUSYON”.

    basta laging tatandaan..ang pinakamasakit na nangyayari sa atin at sa ating organisasyon o samahan eh, yung di ka na nga naging parte na solusyon…naging problema ka pa….sa madaling sabi..puro ka isip….at ubos oras. pero iyon pala ay “WALA..WALA..WALA”.

    Nandito ako sa republika de kapay ngayon.Nag-aantay kay Addie upang makipagkwentuhan ang mga bagay bagay sa musika at kanyang bogchihan. At ipaparating na rin ang di magandang balita tungkol sa ina ni ey-ar.

    Eto at ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin, hindi tulad kahapon na para kang sinisilaban sa init kahit pa madaling araw na.

    dagdan pa natin na hindi na nais tumulong ng aking “standard” electric fan na kabibili lang ngunit nakakatakot ng gamitin (ibabalik ko nga pala ito sa abenson sa galeria bukas…parang sasabog eh amoy sunog na plastik kasi pag umaabot na ng 5-10 minutong umaandar).

    Dito sa Kalye ng Matalino,QC habang nagkakape sa KAPAY bigla ko lang na obserbahan ang ibat ibang uri ng mga empleyado’t/namamasukan. may guardyang bangko, takatak boys, naglalako ng sampagita, nag-aalok ng ng mga piratang DVD, tapos may lumapit pa ngang ale na namimigay ng mga flyers,waiters, mamang nagbabantay sa parking na pilit na naniningil na beinte pesos daw(kahit na hindi kanya ang lugar at ito’y pag-aari ng BDO at UCPB) at idagdag pa natin ang isang magba-balot na ngunit sa kanyang basket eh chicharon na lang ang natitirang laman.

    ewan ko ba. eto lang ang naging mas may linaw sa akin sa ngayon sa harapan ng hindi na gaanong mainit na tasa ng tsokolate.. ibat’ ibang uri ang trabaho at mahirap mag trabaho lalo nat ang pagtratrabaho mo’y nakasalalay ang pagkita ng perat pantustos ng pangangilangan mo at ng pamilya mo… bigla din akong napatanong ano ba ang TUNAY na ibig sabihin ng trabaho?
    paano ba nagiging makabuluhan ito? Sa sarili mo? Sa mga taong umaasa sa yo? Sa pinagtratrabahugan mo? At sa mga taong hinaharap mo habang pinagsisikapan mong gawin ang iyong trabaho? At marahil, kung ito bang trabaho ay talagang nais mo?

    Dagdag ko lang, gaano kaya kalaki ang porsiyento ng may trabaho sa ngayon ang alam ang halaga ng trabaho maliban sa konseptong, kapag may trabaho ka, may suweldo ka..? Ang saya marahil kung ang lahat ay lumulugar sa mga bagay na pagbabalanse ng mga naitala ko sa aking isipan:

    1.ang mabigyan ng kahalagahan ang iyong kontribusyon habang patuloy na nalilinang ang iyong kaalaman
    2.at ang maunawaan ng lubusan ang mga bagay na kailangan ipamahagi para sa mga nangangailangan ng iyong serbisyo (maging ito ay para sa kapwa mo ka-opisina, kliyente, at lipunan)
    3.ang maging kaparte ka sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng misyon at layon ng iyong kumpanya at hindi parte ng pagyurak o pagkitil ng misyong gustong abutin…

    Sa aking sariling karanasan, mas marami akong nakasalamuha, o mas madalas kong naririnig sa iba’t ibat lugar na aking puntahan, makainuman o huntahan; ay talagang nag-aaral at dumidiskarte ang mga tao upang magkaroon ng trabahong kanyang inaasam-asam. Nariyang uutang pa ng pambili ng gel o pomada, matikas na polo’t pabango at siempre pa paghahandaan ang isasagot sa mag-iinterbyu para lang matanggap sa trabaho at makitang siya ang karapat dapat sa tungkuling yaon.

    At siempre pa pag natanggap ka na; nariyang unang una mong gagawin para mapabilang ka ay galingan sa iyong itinakdang asignaturat posisyon, at aalamin kung pano ka uunlad sabay sa pag unlad ng iyong pinapasukang kumpanya. Mahalaga sa pagtatrabaho ay masaya mo syang ginaganapan at patuloy na hihigitan ang mga inaasahan sa iyo habang .

    E papaano naman kaya yong halimbawa ako sa aking pagiging masuwerteng nilalang sa libo libong walang trabaho sa Pilipinas at nabiyayaan ng trabahong tutulong sa pag asenso ko bilang tao at para sa pamilya ko. Paano kung lagi akong tampulan ng sermon o galit ng aking mga Bisor dahil laging hilaw o wala sa hulog ang mga pinagagawa sa akin? Paano kung nauubos ang oras ko, napakaaga kong pumasok at madalas lagpas na sa takdang oras ako kung umuwi pero tila wala daw sa palang halaga ang pagpupuyat ko o aksaya ng kuryente sa opisina? Bakit? Kasi walang kontribusyon… hindi nagiging malinaw sa mga kasama ko kung bakit ako nandoroon? Paano kung inilista na ang aking kailangang gawin at ako na lamang ang inaasahan sanang tumapos noong oras na iyon at hindi ko pa nagawa? Paano kung mali mali ang impormasyong naiibigay ko sa mga kasamahan ko upang magawa nila nang maayos naman ang kanilang mga trabaho? Paano kung wala akong kusa at nag-aantay lang ako ng aking gagawin lagi?

    Pabigat na ba akong maituturing?

    At bakit sa kabila ng lahat ng nasasaad bilang ako sa aking pinapasukan, ay may trabaho pa rin ako hanggang sa ngayon? Anu-ano kaya ang aking dapat isipin?

    Tama, bakit kaya ako nandito pa? Kapag nagpatuloy ba akong ganito, bukas kaya ay may trabaho pa ako? O sa makalawa?

    Sa ganitong sitwasyon, maaari siguro akong pasalamat at may trabaho pa akong kahit papaano’y nakakatulong sa aking pantustos sa araw-araw… pero dapat ba akong matuwa o maging masaya?

    Pag dumating kaya ang araw at nagsara ang pinapasukan at ang mga dahilan ay bunga ng aking di pagbibigay ng aking panahong matuto sa aking pagkakamali, ang hindi paggawa ng tama at hindi rin paggawa ng tama at takda ng aking mga kasama dahil sa aking kakulangan, at mas malaking tapon at mali pala ang naging resulta nito…. dahil nauubos pala ang pangpasueldo at oras sa pagpapalago sa mga tulad ko? Matutunton ko ba ito at matututo akong sa maliit kong parte, malaki pala ang epekto?

    At naisip ko bago magsara ang kumpanyang kumupkop at nagpapahalaga sa aki’t nagbibigay ng trabaho kahit palpak ako, … imbis na mandamay pa pala ako.. buti pang ako na lang ang wala na munang trabaho.

    Mabuti ng Wala, Kaysa mawalan ang mas marami…

    May kasabihan nga tayo..
    ang batang masipag…paglaki pagod! (ay..kay AI-AI pala ito)

    eto nalang.
    PAG HINDI UKOL..DI BUBUKOL….Huwag nang Ipilit! =)

    Sa usaping “trabaho” may isa akong babala:

    HINDI matatawag na TRABAHO dahil may ginagawa ka lang o nasa opisinat ubos oras; Bagkos ang TRABAHO ay pag-gawa sa mga INATAS AT NAAYON para sa iyo at naitakda na iyon na sinumpaang tungkulin. Kung kaya’t may silbi para sa nakakarami. Ikanga sa reporting; “done” or “completed”.

    Hindi madaya ang mundo

    November 3, 2009

    Buod: Hindi madaya ang mundo,gumagawa lang tayo ng mundong madaya.

    pamagat ng tula:Hindi madaya ang mundo

    hindi madaya ang mundo
    tulad ng mga inaakala mo
    gumagawa lang tayong mga tao
    ng masikip at madayang mundo

    madalas nakikita ang pangit
    pag mga puso ay nagngingitngit
    umaalingawngaw ang panglalait
    galit sa mundo ang nasasambit

    ibinabaling ang bigat sa sarili
    ipininid mo na rin mga tainga mo’t labi
    nalibang ka ng husto sa pagkasawi
    habag at suklam iyong kinandili

    nayari kat nalugi ng tadhana kamo
    kaya ganon na lang ang sigaw, AYOKO!
    mundo mo’y nagkaroon na ng kanto
    di na bilog at umiinog, huminto.

    hindi madaya ang mundo
    puno ito ng pag-asa sa tao
    mundong madaya,madayang mundo
    hinuha ng tao na nagpapagulo

    hindi madaya ang mundo…

    Duwag

    October 12, 2009

    Napaisip ako bigla nang maramdaman kong hindi ganap ang pagkakaisa ng mga pinoy sa larangan ng teknolohiya (marahil sa lahat ng larangan??),talagang malakas pa rin ang talangkaang naipamana sa atin ng kung sino mang hudas noong unang panahon. Nabibilang na sa daliri ang nagmumungkahi para sa pagpapaunlad, madalas ang mga salitang pipiliin ay kundi paninira ay mga salitang walang saysay at  basehan. Ang masakit pa dun,madalas din gusto lang nating nagsasabi ng walang pasintabi at pag-aanalisa. may mga mangilanngilan na talagang walang tinag sa pag balandra ng mga salitang mapanira at hindi nagpapaunawa ng mga karanasan,pagkatuto at pagmumungkahi.

    Tila latang malakas ang alingawngaw.

    Ngayon ko nakita ang isang kapangitan ng tinatawag na alias sa internet(o cybername). Maaari kasi tayong gumamit ng mga pangalang hindi naman binyagan at pwede na nating gamitin sa kung papaanong paraan natin naisin.nandyan mag kakabit kabit tayo ng mga salita na tulad ng mga “MAPANLINLANG AT KASINUNGALINGAN, SELF-GLORIFYING, MISLEADING”. na ganun na lamang ang ating matigas at madiin na pagsigaw at pagbubuyanyang ng mga ito, na sa kabilang dako ng ating pagkatao hindi naman natin lubos na inuunawa ang mga salita. kaya pag hinamon tayo kung kaya bang panindigan. madalas dun palang tayo magsisimulang magsaliksik. nauuna kasi ang bibig kaysa ang mag-isip at umaksyon…sa hamon,madalas ang nagiging sandata ay PAG-IINGAY,SAWSAW SUKA at sa huli ay PAGKATAMEME.

    Nawawala na sa ilan sa atin ang mga turo sa atin ng mga nakaraang bayani. Ang makipagpatayan sa laban dala ang prinsipyo at bansa. Ang magtulungan at magbayanihan.

    Mas marami na ang DUWAG ngayon.

    Duwag
    May Akda: Meric B. Mara

    Ang dami mong sinasatsat
    salita sa iyo’y parang kidlat
    ang bilis mong magkalat
    sa mata nami’y nakakapandilat

    kapag hinamon kang harapan
    unang una ka sa talikuran
    salita’y di na mapanindigan
    nauuuwi sa ngalngalan

    sa iyo duwag na kaibigan
    tikasan sa susunod na laban
    kredibilidad mo ang ipuhunan
    para maiwasan ang dada lamang

    wag ka sanang pamarisan
    ng mga batang lumalaban
    matabil mong labi na puhunan
    makapili kang matuturan

    para sa ikagaganda ng bayan
    diretsuhan ang sukatan
    sa mahirap at madugong laban
    di kailangan ang duwag. Kabayan.

    Pananaliksik

    September 29, 2009

    Pananaliksik
    May Akda: Meric B. Mara

    kailangan malaman kung sino
    kailangan malaman ang ano
    ang mga bakit at kung papaano
    pananaliksik ang tanging sikreto

    ang mga sagot sa malabong tanong
    lumikha ng pagpupuyat at saknong
    nakakatulog man ng nakamaong
    pananaliksik ang susi ng dunong

    tinutukoy ang mga tama at mali
    laman ay di basta basta pinipili
    upang malinawan ang pagaatubili
    pananaliksik ay gawin mainam palagi

    pagsasaliksik ay wag gawing dali dali
    pakatandaan ang hilaw ay di nagwawagi
    itaas ang antas ng kaalamang uri
    pananaliksik na yaman ay di nabibili

    busog na kaalaman ang tanging sukli
    sa talastasan may baon lagi
    magandang karanasan ay di ka lugi
    pananaliksik ay dapat naibabahagi